Sabado, Disyembre 16, 2017

Ang Hardinero XLVI: Iniwan Mo Ako salin ni Zeenah Rosete


Ang Hardinero XLVI: Iniwan Mo Ako

ni Rabindranath Tagore

Iniwan mo ako at nagpatuloy sa iyong landasin.
Inakala 'kong dapat kitang tangisan
at ilagak ang iyong alaala sa aking puso sa isang ginintuang awitin.
Ngunit, aking mailap na kapalaran, maikli lamang ang ating panahon.
Ang kabataan ay kumukupas paglaon ng mga taon; ang mga araw ng tagsibol ay buhong; ang mga marupok na bulaklak ay namamatay para sa wala, at ang pantas na lalaki ay nagpapaalala sa akin na ang buhay ay isa lamang patak ng hamog sa dahon ng baino.
Dapat ko bang kalimutan ang lahat ng ito upang pagmasdan ang taong sa aki'y tumalikod?
Iyon ay magiging kagaspangan at kahangalan, sapagkat maikli lamang ang ating panahon.
Kung gayon, halika, aking mga mauulang gabi nang may pananabik; ngumiti ka, aking ginintuang taglagas; halika, malayang Abril, isinasambulat ang iyong mga halik sa paligid.
Ikaw ay pumarito, at ikaw, at ikaw din!
Mga sinta ko, batid ninyong tayo ay mga mortal.
Matalino ba ang pagdurog sa puso ng isang tao para sa taong iniibig niya? Sapagkat maikli lamang ang ating panahon.
Mainam ang umupo sa isang sulok upang magmuni-muni at magsulat nang may pagtutugma na ikaw ang aking daigdig.
Magiting ang pagyakap sa lumbay ng isang tao at pagpasiya na huwag aliwin ng sinuman.
Ngunit isang bagong mukha ang sumilip sa aking pinto at inangat ang kanyang paningin sa aking mga mata.
Wala akong ibang ginawa kundi punasan ang aking mga luha at baguhin ang tono ng aking kanta.
Sapagkat maikli lamang ang ating panahon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panaginip salin ni Raan Tajonera

Panaginip Kumapit ka ng mabuti sa panaginip Bago ang panaginip ay mamatay Ang Buhay ay parang sirang pakpak ng ibon Hindi ito pwedeng l...